09/02/2015
BACK PAIN!
MGA KAALAMAN TUNGKOL SA PANANAKIT NG LIKOD O BACK PAIN
Ang pananakit ng likod o back pain ay isang karaniwang kondisyon na kadalasang konektado buto sa likod o gulugod (vertebral column). Maaaring maramdaman ito sa bandang leek, o kaya naman ay sa ibabang likod o lower back. Kadalasan itong nararanasan kapag hindi tama ang pustura, o kaya'y may kondisyong nakaaapekto mismo sa buto sa likod. Bukod pa rito, ang ilang mga kondisyon din sa kalamnan sa likod ay maaaring makapagdudulot din ng pananakit ng likod o back pain.
ANO ANG SANHI NG PANANAKIT NG LIKOD?
Ang pananakit ng likod ay kadalasang nakukuha dahil sa mga gawaing nakasanayan na sa matagal na panahon. Maaaring ito ay dahil sa maling postura na nakasanayan na, sa maling posisyon ng likod habang nakatayo o nakaupo, sa mga maling pamamaraan ng pagbubuhat ng mga mabigat na bagay, o kaya naman sa pagsusubsob ng sarili sa trabaho ng matagal. Sa tagal ng panahon na ginagawa ang mga maling nakanasayang ito nabubuo ang pananakit ng likod. Ang pagkapagod ng mga kalamnan sa likod, na marahil dahil sa sobrang gawain o sa hindi pag-unat ng maaayos bago kumilos, ay nakaka-kontribyut din sa pananakit ng likod lalo na sa ibabang bahagi. Ang pagbubuntis ay isa ring karaniwang dahil ng pananakit ng likod sa mga kababaihan. Dahil ito sa mga pagbabagong hormonal sa katawan at siyempre sa dagdag na timbang mula sa dinadalang sanggol. Bukod sa mga nabanggit, may ilang kondisyon o karamdaman din ang nakapagdudulot ng pananakit ng likod. Halimbawa ng mga sakit na nakaaapekto sa likod ay ang osteoporosis o pagrupok ng mga buto; ang sciatica na isang karamdaman na nakaaapekto sa sciatic nerve na nakakonekta sa likod, at ang osteomyelitis o impeksyon ng bacteria sa mga buto. Ang pagkakasangkot sa mga aksidente na nakapinsala sa likod ay maaaring magdulot din ng matagal na kondisyon ng back pain.
SINO ANG MADALAS MAKARANAS NG PANANAKIT NG LIKOD?
Ang posibilidad ng pagkakaranas ng pananakit ng likod ay tumataas dahil sa ilang salik. Maaring dahil din sa mga gawaing nakasanayan, sa mga kondisyon at karamdaman. Narito ang ilang salik na makadaragdag ng posibilidad ng pagkakaroon ng back pain:
Pagiging buntis.
Pagiging matatanda
Pagkakasangkot sa aksidente na nakaapekto sa likod
Kasaysayan ng pananakit ng likod sa pamilya
Hindi regular na pag-eehersisyo
Mga trabahong mayroong pagbubuhat ng mabigat o pag-upo ng matagal na oras
Paninigarilyo
Pagiging mabigat ng timbang o obese
Pagkakaroon ng hindi aktibong pamumuhay.
ANO ANG MGA SINTOMAS NG PANANAKIT NG LIKOD?
Ang mismong pananakit ng likod ay maituturing na sintomas ng ibang kondisyon sa katawan. Maaaring karamdaman na konektado sa buto sa likod, karamdaman sa mga kalamnan o kaya ay karamdaman sa mga nerves na konektado sa buto at kalamnan sa likod na bahagi ng katawan. Ang mga kadalasang nararanasan sa pagsakit ng likod ay ang sumusunod:
Pananakit ng likod mula sa patagal na pagkakaupo
Pasmadong kalamnan sa likod
Stiff neck
Pananakit ng likod dahil sa simpleng paglalakad o pagkilos
Pananakit ng likod kasabay ng pananakit ng hita
Pamamanhid ng kalamnan sa likod
Iritableng pakiramdam sa likod
Hindi mahanap ang kumportableng posisyon ng likod
Pananakit ng likod sa paggising sa umaga
Hirap sa pagtulog
Depresyon at pagkabalisa
KAILAN DAPAT MAGPATINGIN SA DOKTOR?
Kung ang pananakit ay nakaaapekto na sa pang-araw-araw na gawain, tumitindi ang kirot, o tumatagal na hindi nawawala kahit mabigyan ng paunang lunas, makabubuting ipatingin na ito sa doktor. Humingi ng payo kung paano maiibsan ang nararamdamang sakit. Kumunsulta agad sa duktor kung:
Ang sakit ay umabot na hanggang hita pababa sa inyong mga binti
May pamamanhid ng hita, paa, bahagi ng ari at puwitan
May pagkawala ng control sa pagdumi at pag-ihi
Ang pananakit ay dulot ng aksidente
Di na makakilos ng mabuti sa sobrang pananakit
Di gumiginhawa pagkatapos ng 2-3 linggo
May kaakibat na pananakit ng dibdib
Biglaang panghihina ng hita, paa at binti
ANO ANG GAMOT SA PANANAKIT NG LIKOD?
Upang maibsan ang pananakit ng likod, dapat ay mahanap ang tamang postura at pinaka-tamang posisyon ng likod. Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga ng patihaya sa sahig na may unan sa ilalim ng tuhod, o di kaya’y iangat ang tuhod sa isang upuan. Ito ay para ang mabawasan ang timbang sa ating likod na siyang nagdudulot ng karagdagang sakit. Maaring gawin ito ng 1-2 araw para mapahinga ang ating likod. Pero importante pa rin na maglakad-lakad ng pakonti-konti, at dahan-dahan kada ilang minuto kahit na masakit. Tandaan na ang hindi pagkilos ay nakakadulot ng panghihina ng mga kalamnan na maaring makakapagpatagal sa pagkawala ng sakit. Uminom ng gamot gaya ng Paracetamol o Ibuprofen kung kailangan. Kung hindi kayanin ng mga over-the-counter drugs ang pananakit, magpakonsulta upang makakuha ng mas matapang na gamot.
like my page for more heath tips:: http://bit.ly/Aimhealthy