13/03/2021
Sama-Sama Tayong Kumilos upang Masugpo ang COVID-19
Tayo ay nakaligtas.
Isang taon na ang nakalipas mula nang dumating ang COVID- 19 sa ating bansa. Magmula nuon, maraming mga iba't-ibang pagsubok ang ating pinagdaanan, maraming buhay ang naisakripisyo, maraming nawalan ng kabuhayan—ngunit tayo ay nanatiling matatag sa mga hamon ng pandemyang ito. Hindi tayo sumuko.
Tayo ay nagpabaya.
Subalit ang ating pagwawagi ay naging panandalian lamang. Muli, ang bilang ng mga taong tinatamaan ng sakit na COVID- 19 ay tumaas at manapa'y halos umabot sa bilang nuong nakaraang Hulyo taong 2020. Hindi pa man ganap na nakakabangon ang mga healthcare workers na nag-aalaga ng mga taong may COVID- 19 ay dumami na naman ang mga naoospital at napupuno na naman ang mga ospital sa dami ng maysakit. Gusto ba natin ng isa uling lockdown? Hindi! Hindi na ito kakayanin ng kasalukuyang estado ng ating ekonomiya. Lubhang mahihirapan ang mas nakararaming Pilipino.
Kailangan nating baguhin ang ating paguugali.
Paano natin haharapin ang bagong pagdami ng mga taong nagkakasakit ng COVID- 19? Maraming sektor ng bansa ang lubhang mahihirapan at nangangamba ang marami sa maaring patuloy na pagbulusok ng ating ekonomiya. Hindi pa nakukumpleto ang pagbibigay ng mga bakunang nakalaan sa mga nasa unahan ng listahan. Kung kaya't ibayong pagiingat at pagsunod sa mga itinakdang health protocols ang nararapat na patuloy na gawin ng lahat. Isa ito sa napatunayan na pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID- 19.
Kailangan tayong magkaisa.
Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang kooperasyon ng bawat isa. Manatili sa loob ng mga tahanan. Ipagpatuloy ang pagsunod sa mga itinakdang Minimum Health Standards kahit na nasa loob ng sariling pamamahay. Panatilihin ang palagiang paghuhugas ng mga kamay. Palaging magsuot ng face mask at face shield sa wastong pamamaraan. Iwasan ang pagkukumpol-kumpol at panatilihin ang 1 metrong distansya sa isa't isa.
Taglay natin ang susi sa pagsugpo ng sakit na COVID- 19.
Kung tayo ay magkakaisa at sama-sama—kaya nating sugpuin ang COVID- 19!