22/04/2022
Isang makasaysayang araw ang naganap kanina dito sa Bayan ng Saguday dahil sa paglulunsad ng taunang Gatas Mo, Buhay Ko Breastmilk Donation Drive na dinaluhan ng ating mga MNC Members na pinangungunahan ng ating MNC Chairperson, Honorable Mayor Mercy Pagbilao at Municipal Nutrition Action Officer, Sir Joey Gamboa, Provincial Nutrition Program Coordinator, Ms. Luningning P. Rhodes, mga kasamahan sa MHO na pinangungunahan ng Municipal Health Officer, Dr. Vivian Elizarde at DTTB, Dr. Angeline Villar, mga Nurses at Midwives, Municipal Population Office, Provincial SK Federation President, Sir Juanviktor Gamboa, mga Local Youth Development Council members, mga Barangay Nutrition Scholars at ng mga bida sa araw na ito, ang mga magigiting nating Breastmilk Warriors.
Sa paglunsad ng programang ito, nais iparating ng Provincial at Municipal Nutrition Committee ang kahalagahan ng Exclusively Breastfeeding sa unang anim na buwan ng sanggol na makakatulong sa kanyang unang isang libong araw o yung tinatawag na First 1000 days of life. Buong pusong pasasalamat sa lahat ng mga tumulong, nag-organisa at sumuporta sa programang ito upang patuloy na masuplayan ang mga sanggol na nangangailangan ng gatas ng ina. Nais namang ipaalam sa lahat na ang mga donors ay dumaan sa proper health assessment upang masigurong ligtas ang gatas na makokolekta. Ang mga nagamit din sa pagpapalabas ng gatas ay nilinis ng mabuti at ibinababad sa mainit na tubig bago at pagkatapos gamitin.
Hinihikayat namin lahat ng mga nanay, na suportahan at protektahan ang tamang nutrisyon ng mga bagong silang na sanggol hanggang sa kanyang dalawang taon dahil ito ang pinakamahalagang araw ng bata upang siya ay lumaking malakas at may maayos na nutrisyon sa katawan.