02/02/2026
Salute to All Midwives 🫡
Not All Hereos Wear Capes, Some Wear Scrubs.
Bakit ako nag-Midwife?
Pinili kong maging Midwife hindi dahil “madali” ito, kundi dahil may saysay at may misyon.
Sa dami ng kursong puwedeng piliin, ito ang tinahak ko dahil gusto kong maging bahagi ng bawat simula ng buhay at ng bawat laban ng komunidad para sa kalusugan.
Bilang Midwife, hindi lang kami nasa delivery room. Kasama kami sa pangangalaga ng buong komunidad. Kami ang nagtuturo kung paano maiiwasan ang sakit bago pa ito dumating, health education (prevention of diseases) , family planning, prenatal at postnatal care, bakuna, nutrisyon, sanitation, at tamang kaalaman para sa mga ina, bata, at pamilya.
Hindi lang paggagamot ang ginagawa namin, kundi pag-iwas, dahil mas mahalaga ang kalusugang napapanatili kaysa sa sakit na ginagamot.
Hindi rin biro ang pinagdaanan sa pag-aaral. Habang nag-aaral pa, hindi namamalayan ang oras, ang pagpasok ay madaling-araw, ang pag-uwi ay takip-silim, at kung minsan ay malalim na rin ang gabi. Lecture, retdem, duty, exams, requirements sabay-sabay.
May mga araw na pagod na ang katawan pero kailangang tumayo, mag-isip at kumilos. May luha, may pagod, may panghihina ng loob, pero tinutuloy dahil alam kong may buhay na nakasalalay sa kaalaman at kamay ko.
Kaya wala kahit sinuman ang may karapatang magsabi ng “midwife ka lang.” Dahil kung alam lang nila ang hirap ng pinagdaanan at bigat ng responsibilidad buhay ng ina, sanggol, at komunidad maiintindihan nila na hindi ito “lang.” Isa itong propesyon na hinubog ng disiplina, sakripisyo, at malasakit.
At oo, mataas ang demand sa gobyerno. Patuloy na kailangan ang Midwife sa barangay, RHU, at mga programang pangkalusugan ng ina, bata at buong komunidad. May seguridad sa trabaho, may oportunidad sa serbisyo publiko, at higit sa lahat may tunay at direktang ambag sa lipunan.
Hindi man kami palaging nasa entablado, pero lagi kaming nasa komunidad. Hindi man kami laging napapansin, pero bawat ligtas na panganganak, bawat batang nabakunahan, bawat inang naturuan tagumpay na iyon.
Kaya ipinagmamalaki kong sabihin na
Midwife ako.
Hindi “lang.”
Kundi isang tagapag-alaga ng buhay, tagapagturo ng kalusugan, at haligi ng komunidad. 💙