04/09/2021
PAHAYAG NG HEALTHCARE PROFESSIONALS ALLIANCE AGAINST COVID-19
SEPTEMBER 3, 2021
Nangyayari na ang matagal na nating kinakatakutan at iniiwasan – hindi na kayang tugunan ng ating healthcare system ang mga kaso ng COVID-19.
Umaapaw na po ang mga tao sa Emergency Departments, hanggang pasilyo at parking lot ng mga ospital. Maraming hindi na nakakaabot at namamatay na lamang sa bahay o sa sasakyan habang palipat-lipat na naghahanap ng balanteng k**a.
Maraming healthcare workers ang pagod, umiiyak, naglalabas ng galit, o nagreresign na sa trabaho. Nagdudugo ang puso namin, at humihingi kami ng patawad, sa mga pasyenteng kinakailangang tanggihan dahil di na kayang ma-admit.
Marami na sa amin ang nagkasakit ng COVID-19, nagbuwis ng buhay, at minsan pati buhay ng aming asawa, magulang o anak.
Gayon pa man, gagawin po namin ang lahat para matulungan ang sino mang mangangailangan ng healthcare, hangga’t kaya ng katawan, ng isip, at ng puso. Kung magkukulang man kami sa kakayahan, humihingi kami ng pag-unawa.
Para sa publiko, the situation will get worse. Titindi pa po ang pandemya. Kaya’t inaanyayahan namin ang lahat – protektahan natin ang ating sarili at ang ating mga minamahal sa buhay.
Ang COVID-19 ay airborne. Lumulutang kasama ng hininga, kumakalat ng malayo, at naiipon, lalo na sa kulob na lugar, na dapat nating iwasan. Kung kaya naman, huwag munang lumabas ng pamamahay. Kung hindi maiwasang lumabas, mag-ingat at sundin ang MPHS. Higit sa lahat, huwag bale-walain ang konting ubo, sipon, sore throat o lagnat. Simula pa lang, mag-isolate na at humingi ng payo sa inyong barangay, o kung maaari, sa inyong primary care provider.
Ang mensahe namin para sa pamahalaan: Ang mga ginagawa natin ngayon upang makontrol ang pandemya ay hindi pa sapat. Ang mga datos na inyong nakukuha ay hindi tugma sa kung ano ang tunay na nangyayari sa mga komunidad at ospital.
Hindi tumigil ang mga healthcare workers sa pakikipag-usap upang mapabilis ang mga proseso ng polisiya at pag-aksyon mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno. Subalit, humigit isang taon na, nasaan po ang mga solusyon?
1. When will we see contact tracing efforts digitized and connected? Mayroon tayong mga eksperto at teknolohiya para gawin ito . Ang kulang ay political will at kumpas mula sa ating mga namumuno.
2. Kailan mapapaigting ang ugnayan ng mga lokal na pamahalaan at mga ospital sa One Hospital Command Center? Dahil wala ito, napakahirap magpa-admit ng mga may sakit, di lamang ang may COVID-19 pati yung mga wala. Nagpapalipat-lipat sa kakahanap ng bakanteng ospital, at maraming namamatay na lang sa kanilang mga bahay o sasakyan.
3. Kailan natin matitiyak ang kaligtasan ng atin mga manggagawang Pilipino? Lagi natin pinaglalaban ang hanapbuhay ng ating mga negosyante, pero ang nakataya - buhay ng ating kapwa. Hindi sapat na may guidelines sa trabaho at transportasyon. Dapat mahigpit na ipinatutupad ang mga ito at iniaayon sa bagong ebidensya. Halimbawa na lamang, kulob na kulob ang mga bus at e-jeepneys. Sa isang kulob na lugar at mahabang biyahe, nababawasan ng bisa ng physical distancing at mask laban sa airborne transmission. Kung kaya naman kumakalat ang sakit sa napakaraming opisina at napakaraming pamilya.
4. Kailan maibibigay ang mga karampatang bayad at benepisyo para sa mga HCWs? Ang dami po nating unspent or misspent money. Kaya hindi namin maintindihan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa binabayaran ang maraming ospital at ang ating mga HCWs.
Hindi po kami naghahanap ng aawayin. Kasi pagkatapos po nito, babalik na naman kami sa aming clinic o ospital o laboratory, para magtrabaho, at para tulungan ang mga taong nangangailangan ng aming serbisyo.
Ang layunin namin ngayon ay ipaalam sa tao na lampas na tayo sa kakayahan ng health care system.
Ipaalam din na hindi po kami susuko hangga’t kaya ng katawan, ng isip, at ng puso.
Pero humihingi kami ng tulong sa lahat. Humihingi kami ng tulong sa pamahalaan at mga LGU, para tindihan pa ang pag-ayos at pagpaganda ng pamamalakad laban sa pandemiya. Bigyan po natin ng proteksyon at tulong ang ating mga workers, dahil sila ang nagdadala sa ating ekonomiya.
Humihingi din kami ng tulong sa publiko, na sundin ang mga protocol ng pamahalaan. Iwasan ang paglabas sa bahay kung hindi kailangan, iwasan ang kulob na lugar. Kung hindi maiwasang lumabas, gumamit ng wastong face mask, at kung nasa kulob na lugar, dagdagan ng face shield.
Nagpapasalamat po kami sa lahat ng nagpabakuna na, lalo na yung edad o may sakit na mas malamang magkaroon ng grabeng COVID. Salamat din sa lahat na masinsinang pinoprotektahan ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya.
Dahil sa inyo, kinakayanan namin ang trabaho. Dahil sa inyo, tumitibay ang aming paniniwala na kung magtutulungan tayo, kaya natin labanan ang pandemiyang ito.
Sa aming kapwa HCWs, humugot po tayo ng lakas sa ating pagkakaisa para maitawid natin itong pandemya na magkakasama.
Manalig po tayo sa kakayanan ng bawat Pilipino.
Signed by:
1. The Philippine College of Physicians (P*P)
2. Asia-Pacific Center for Evidence-Based Healthcare (APCEBH)
3. The Philippine Society for Cervical Pathology and Colposcopy (PSCPC)
4. The Philippine Society for Pediatric Gastroenterology, Hepatology and Nutrition (PSPGHAN)
5. Kalusugan ng Mag-Ina (KMI)
6. The Philippine Society of Public Health Physicians (PSPHP)
7. The Philippine Academy of Rehabilitation Medicine (PARM)
8. The Philippine Society of Clinical and Occupational Toxicology (PSCOT)
9. The Philippine Society of Pediatric Cardiology (PSPC)
10. The Philippine Association of Nutrition (PAN)
11. The Philippine Society of Nephrology (PSN)
12. The Philippine College of Emergency Medicine (PCEM)
13. The Philippine Society for Reproductive Medicine (PSRM)
14. The Pediatric and Adolescent Gynecology Society of the Philippines (PAGSPHIL)
15. The Philippine Neurological Association (PNA)
16. The Philippine Ambulatory Pediatrics Association (PAPA)
17. The Philippine Society of General Internal Medicine (PSGIM)
18. The Child Neurology Society of the Philippines (CNSP)
19. The Philippine Heart Association (PHA)
20. The Philippine College of Chest Physicians (PCCP)
21. The Philippine Rheumatology Association (PRA)
22. The Philippine Academy of Physicians in School Health, Inc. (PAPSHI)
23. The Philippine Society of Hospice and Palliative Medicine (PSHPM)
24. The Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID)
25. The Philippine Academy of Occupational Therapists (PAOT)
26. The Philippine Society of Clinical and Experimental Pharmacology (PSCEP)
27. The Philippine Pediatric Society (PPS)
28. Philippine Hospital Infection Control Society (PHICS)
29. The Philippine Society of Allergy Asthma & Immunology (PSAAI)
30. The Philippine Society for Developmental and Behavioral Pediatrics (PSDBP)