04/08/2020
Maraming Salamat s agarang aksyonđź’—
Balita: "Dagdag-bawas" sa mga pangalang natanggal at nadagdag sa SAP, iimbestigahan at ipapa-CIDG-NBI kung kinakailangan; basahin, SAP master list ng mga waitlisted beneficiaries sa Angono
Ni Richard Gappi
"Para mabigyan ng katugunan ang misteryo sa listahan na ito ng SAP ay inirefer sa Lupon ng Barangay Affairs para pag-aralan at alamin ang dahilan paano nangyari iyon.
At kung mapag-aalaman na merong sapat na ebidensiya na meron ngang hindi magandang gumawa sa listahan, kakatulungin ng Sangguniang Bayan ang NBI o CIDG para magconduct ng formal investigation at malaman ang buong katotohanan sa likod ng listahan na ito ng 2nd tranche ng SAP beneficiaries."
Ito ang wika kahapon, Lunes, August 3, sa livestream ni Umaaktong Kalihim ng Sangguniang Bayan ng Angono Juancho Lalic kaugnay sa pagpapatupad ng second tranche ng SAP sa bayan ng Angono.
Ang pag-uulat ni Sec. Juancho ay sa atas na rin nina Sangguniang Bayan presiding officer at Vice-Mayor Gerry Calderon at Mayor Jeri Mae Calderon.
Ang pahayag ni Sec. Juancho ay bunsod na rin ng talumpati sa konseho noong Biyernes ni Konsehal Bernie Balagtas tungkol sa listahan ng 2nd tranche ng SAP beneficiaries.
Nagkomento na rin ang maraming SAP beneficiaries na natanggal sila sa listahan.
"Ano po ang sinabi ni Konsehal Balagtas? Siya po ay nagtataka kung bakit 'yung sa listahan sa 2nd tranche ay mayroong mga pangalan na hindi nag-aapply o hindi naman nag-fill up ng form e nakalista ang pangalan.
Nagtataka rin po si Konsehal Bernie Balagtas sapagkat meron naman dating mga nakalista e nawala naman 'yung pangalan, at napalitan ng ibang mga pangalan. Ganundin po ang pagtataka ng ating Vice-Mayor sampu ng ating mga konsehal. Paano nangyari 'yun?" wika niya.
Ibinigay na isang halimbawa ni Sec. Juacho ang kaso ng isang empleyado ng munisipyo na umano'y napasama sa listahan.
"Kasi magtataka kayo, meron pong isang kawani ng munisipyo, nakalista sa listahan e hindi naman siya nag-fill up ng form? Paano napunta roon ang pangalan niya?
At sino naman ang matinong kawani ng munisipyo ang ilalagay ang pangalan niya dun e alam na alam niyang hindi siya qualified at kapag kumuha siya ng benepisyo ay maaaaring maging mitsa pa ito nang pagkatanggal niya sa trabaho," paliwanag ni Sec. Juancho.
Binigyang diin din ni Sec. Juancho na "ang sinumang opisyal sa ating bayan ay walang alam at walang kinalaman sa SAP beneficiaries."
Dagdag niya: "Bawal po sa kanila, batay sa umiiral na batas na pakialaman at panghimasukan ang listahan na 'yun ng mga SAP beneficiaries."
(Pakinggan ang paliwanag ni Sec. Juancho sa link/video na ito mula 31:32 -35:26 https://www.facebook.com/AngonoRizalOfficial/videos/216511329704775 )
Samantala, nasa 8.979 million families — o 77 percent — ng 11.5 million beneficiaries ang nakatanggap ng second tranche, ayon sa update ng national DSWD noong Lunes.
“As we have earlier communicated, we aim to meet 80% accomplishment by July 31. But in some areas, our goal is to complete payout by the middle of August,” wika ni DSWD spokesperson Irene Dumlao, sa ulat ng INQUIRER.net ngayong August 4.
Base na rin sa unang ulat ng national DSWD, magsisimula sa August 15 ang pagbibigay ng ayuda sa mga Waitlisted Beneficiaries. Ito ay dahil tatapusin muna nila ang pamamahagi ng second tranche.
Ipinaliwanag naman kahapon ni Mayor Jeri Mae ang tungkol sa SAP at sa naging proseso ng pagpili para sa kabatiran at kalinawan ng publiko:
"ANO BA ANG NAGING PROSESO SA SOCIAL AMELIORATION PROGRAM (SAP) WAITLISTED?
Sa dahilang ang unang SAP na ipinagkaloob sa ating Bayan noong panahon ng ECQ ay mayroon lamang 11,773 at dahil na din sa apila ng inyong lingkod sa DSWD ay mapalad tayo na nabigyan ng pagkakataon na mapasama ang tinatawag na LEFT OUT o WAITLISTED.
Unang Proseso:
Ang bawat Barangay ay nag-distribute ng PRE-ASSESSMENT FORM para sa mga ka-barangay nila, ang pre-assement form ay iba sa tinatawag na Social Amelioration Card.
Sa Pre-Assessment, dito nakita ng Barangay ang sa tingin nila ay kuwalipikado para mabigyan ng Social Amelioration Card.
Ikalawang Proseso:
Matapos makita kung sino ang kuwalipikado sa SAP ay nagbuo ng listahan ang bawat Barangay at ipinadala ito sa Municipal Social Welfare and Development Office sa pamamagitan ng e-mail.
Mayroong kabuuang 14, 187 ang listahan mula sa mga Barangay na potensyal na makakasama sa SAP.
Ikatlong Proseso:
Ang kabuuang 14, 187 na listahan mula sa 10 Barangays ay sumailalim sa inisyal na cross-matching ang listahan na isinagawa ng mga Municipal Link ng DSWD, sa cross-matching ay tiningnan nila kung ang mga taong nakasama sa listahan na 14, 187 ay kasama sa 4Ps, Social Pension at Job Orders ng Munisipyo.
Ika-apat na Proseso:
Matapos ang inisyal na cross-matching, ang listahan ay ipinasa naman sa DSWD-Regional Office upang isagawa ang muling cross-matching sa National Level at titingnan ang mga pangalan na nasa Listahan kung nakasama na ba ito sa mga naging beneficiaries ng SSS, DOLE, LTFRB, OWWA, DA at iba pang National Agencies na nagbigay na din ng ayuda.
Ika-limang Proseso:
Matapos ang isinagawang cross-matching ng DSWD, ang 14, 187 na pangalan ay naging 9, 852 na lamang at mayroong 4,335 na hindi kuwalipikado ayon sa DSWD National Office.
Ika-anim na Proseso:
Ang listahan na may bilang na 9,852 ay inilathala ng mga Barangay sa kanilang Facebook Accounts at sa Barangay para sa transparency at muling paglilinis ng listahan kung mayroong makikita ang ibang kabarangay na sa tingin nila ay hindi dapat mapasama sa SAP, doble ang pangalan at iba pa.
Ika-pitong Proseso:
Matapos na masuri ng mga ka-barangay ang listahan ay muli itong aayusin ng Barangay upang alisin ang mga pangalan na hindi dapat kasama sa SAP, kasama ang mga double entry, mag-asawa na parehong nasama sa listahan at iba pang dahilan.
Ika-walong Proseso:
Ang Pinal at malinis na listahan ay muling isa-submit ng mga Barangays sa MSWDO upang i-submit ulit ito sa DSWD-Regional Office sa pamamagitan ng E-MAIL upang ihanda ang PAYROLL ng mga pinal na kuwalipikado sa SAP.
Ika-siyam na Proseso:
Ang DSWD ay sasabihan ang mga kuwalipikadong makatanggap ng SAP sa pamamagitan ng TEXT para sa instruction ng digital cashout.
Kapag may reklamo at katanungan kung bakit hindi nakasama sa listahan ng kuwalipikadong makatanggap ng SAP samantalang kasama ang Pangalan sa na-submit sa DSWD, iparating po sa aming tanggpan upang maitanong din namin sa DSWD National Office kung ano ang naging batayan at dahilan nila kung bakit kayo na-disqualify.
Humihingi po kami ng pang-unawa, sapagkat ang programa po ng SAP ay mula sa DSWD National. Ang Barangay at Pamahalaang Bayan ay naging tulay lamang sa pagproseso ng inyong mga pangalan papunta sa DSWD Regional at National Office.
Ang planong gawin ng inyong lingkod ay muling lumiham at umapela sa DSWD, upang mapasama ang mga umaasang kwalipikado subalit na disqualify ng DSWD."
Samantala, narito naman sa mga sumusunod na link ang listahan ng mga SAP Waitlisted beneficiaries na ipinost ng bawat barangay sa kanilang FB account:
San Isidro: https://www.facebook.com/photo?fbid=297095521547602&set=pcb.297102411546913
San Vicente: https://www.facebook.com/barangaysanvicenteofficial/photos/pcb.4117718641636267/4117708094970655/
Mahabang Parang: https://www.facebook.com/PatnubayngAngono/photos/pcb.3451260644908241/3451258978241741/
Bagumbayan: https://www.facebook.com/PatnubayngAngono/photos/pcb.3446413012059671/3446412552059717/
Kalayaan: https://www.facebook.com/bagongbarangaykalayaan/photos/pcb.3213049582108143/3212944335452001/
San Pedro: https://www.facebook.com/photo?fbid=1293108511081424&set=pcb.1293108661081409
San Roque: https://www.facebook.com/Barangay-San-Roque-Angono-Rizal-548288505298936/photos/pcb.2914182925376137/2914177778709985
(Litrato: Screenshot ng livestream ni Umaaktong Kalihim ng Sangguniang Bayan Juancho Lalic)
*******
Volume X. Issue 15. August 2-9, 2020. ISSN 2244-3851. DTI Registration No. 01987812. Editor: Richard R. Gappi. aRNO: Exponent of Community Journalism.