11/04/2026
PULIS AGAD TUMULONG SA MOTORISTANG NAAKSIDENTE SA SURIGAO
Ipinakita ng mga tauhan ng Cortes Municipal Police Station ang tunay na diwa ng malasakit at serbisyo publiko matapos nilang rumesponde at tumulong sa isang motorista na naaksidente sa kalsada noong Abril 7, 2026, bandang alas-9:00 ng umaga.
Ayon sa ulat, habang nagsasagawa ng routine patrol at police visibility ang mga tauhan na sina PSMS Roniel E. Ayaton at PSSg Christopher John S. Toraja, nakatanggap sila ng tawag mula sa MDRRMO kaugnay ng isang sasakyang sedan na bahagyang naipit sa gilid ng kalsada matapos mawalan ng kontrol at bumangga sa bahaging madamong lugar.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis sa lugar at, kasama ang ilang concerned citizens, mabilis na tumulong sa motorista. Sa kanilang pagtutulungan, naitulak at naibalik sa ligtas na posisyon ang sasakyan, na nagbigay daan upang maiwasan ang posibleng karagdagang pinsala at mas seryosong insidente.
Ang mabilis na aksyon at pakikipag-ugnayan ng mga pulis at sibilyan ay nagresulta sa maayos at ligtas na pagresolba sa sitwasyon, na walang naiulat na nasugatan.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., “Ang mga pulis na handang tumulong sa oras ng pangangailangan ay larawan ng tunay na serbisyo publiko. Hindi lamang kami tagapagpatupad ng batas, kami rin ay katuwang ng komunidad sa bawat sitwasyon.”
Dagdag pa ni PGEN Nartatez, ang ganitong uri ng inisyatiba ay sumasalamin sa patuloy na pagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at mamamayan sa ilalim ng mas pinatibay na serbisyo publiko.
Ang insidenteng ito ay patunay ng dedikasyon ng PNP sa agarang pagtugon at malasakit sa komunidad, bilang bahagi ng patuloy na implementasyon ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)