29/04/2021
QUARANTINE STATUS NG IBA'T IBANG LUGAR SA BANSA, INANUNSYO NI PRES. DUTERTE
ADMINISTRASYONG DUTERTE, PLINAPLANTSA NA ANG MGA INDUSTRIYANG MAAARING MAGBUKAS SAILALIM NG MECQ CLASSIFICATION
Inanusyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine status ng iba't ibang lugar sa bansa sa naganap niyang talumpati kagabi, Abril-28.
Nakasailalim pa rin sa pangalawang pinakamahigpit na quarantine level na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang NCR-PLUS o Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal gayundin ang Santiago City, Quirino at Abra hanggang May-14.
Ayon sa Pangulo, sumang-ayon ito sa suhestiyon ng mga medical experts na pinangungunahan ni Health Secretary Fransisco Duque III na palawigin pang muli ang lockdown upang maibsan ang hawaan.
"Mga kababayan ko, nanghihingi lang ako sa inyo ng paumanhin. I'm sorry that I have to impose a longer itong Modified Enhanced Community Quarantine kasi kailangan," paliwanag ng Pangulo.
Aminado ang Pangulo na karamihan ay galit sa kanyang desisyon lalong-lalo na ang mga manggagawa, ngunit giit ng Pangulo, ito ang pinakamainam na gawin sa ngayon na lumalala ang sitwasyon.
Mananatili naman sa General Community Quarantine (GCQ) ang mga lugar sa Apayao, Baguio City, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Tacloban, Iligan, Davao City at Lanao del Sur habang ang iba pang bahagi ng bansa na hindi nabanggit ay sasailalim sa pinakamaluwag na lockdown classification na Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Samantala, plinaplantsa na ngayon ng Administrasyong Duterte ang pag-release ng listahan ng mga industriyang pwedeng mag-operate o magbukas sailaim ng MECQ classification.
Ayon sa pahayag ng administrasyong Duterte, naiintindihan anila na kailangang bumalik na ang mga manggagawa sa kanilang hanapbuhay kung kaya't nakikinita nito ang gradual reopening para makatulong sa dagdag na pasanin ng mga manggagawa na nakasailalim sa MECQ.
(Jenevie C. Lorenzo)