25/02/2026
NAGKAKAISANG PAHAYAG NG MGA KONSEHO NG MAG-AARAL AT ORGANISASYON NG KOLEHIYO NG EKOLOHIYANG PANTAO SA PAGGUNITA NG IKA-40 NA ANIBERSARYO NG EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION
𝐄𝐤𝐨𝐥𝐨𝐡𝐢𝐬𝐭𝐚 𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐲𝐚𝐧, 𝐢𝐩𝐚𝐠𝐥𝐚𝐛𝐚𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐡𝐮𝐬𝐭𝐢𝐬𝐲𝐚𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐧𝐥𝐢𝐩𝐮𝐧𝐚𝐧 𝐚𝐭 𝐩𝐚𝐧𝐠𝐤𝐚𝐥𝐢𝐤𝐚𝐬𝐚𝐧! 𝐓𝐮𝐭𝐮𝐥𝐚𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐤𝐨𝐫𝐚𝐩𝐬𝐲𝐨𝐧 𝐚𝐭 𝐩𝐚𝐧𝐠-𝐚𝐚𝐛𝐮𝐬𝐨 𝐬𝐚 𝐦𝐚𝐦𝐚𝐦𝐚𝐲𝐚𝐧! 𝐌𝐚𝐫𝐜𝐨𝐬-𝐃𝐮𝐭𝐞𝐫𝐭𝐞, 𝐩𝐚𝐧𝐚𝐠𝐮𝐭𝐢𝐧!
Patong-patong na ang mga isyung panlipunan at pangkalikasan upang singilin at panagutin ng taumbayan ang mga naghahari-harian sa lipunan at mga lider sa pamahalaan na animo’y sagisag ng korapsyon at katiwalian—kabilang na ang hari at reyna ng korapsyon na sina Marcos Jr. at Sara Duterte.
Ngayong araw, ginugunita natin ang ika-40 anibersaryo ng pag-aaklas ng mamamayang Pilipino upang patalsikin ang diktador na si Marcos Sr., na nagpahirap sa sambayanang Pilipino lalo na noong panahon ng Batas Militar. Bagama’t napaalis sa puwesto ang pasistang rehimen, nagpapatuloy pa rin ang impluwensya at kapangyarihan ng pamilyang Marcos sa pamahalaan. Patuloy na nararanasan ng mga batayang sektor—mga magsasaka, manggagawa, katutubo, kababaihan, kabataan, at iba pa—ang bigat ng mga polisiyang mapanupil at kontra-mamamayan.
Talamak pa rin ang korapsyon sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyan. Hindi lamang iisa o dalawang pamilya ang nasasangkot dito, kundi maging ang kanilang mga kaalyado at kasapakat sa gobyerno. Kasabay nito ang mga isyung pangkalikasan, tulad ng hindi makatarungang pagmimina sa isla ng Mindoro, kung saan pangunahing naaapektuhan ang mga katutubong Mangyan, ang kanilang mga lupang ninuno, at ang kanilang kabuhayan.
Isa sa malinaw na bunga ng patuloy na korapsyon sa pamahalaan ay ang patuloy na pagkaltas sa pondo ng edukasyon, na lantad na nararanasan sa loob ng Kolehiyo ng Ekolohiyang Pantao. Bagamat ipinagmamalaki ang ₱6.78B na pagtaas sa UP budget—mula ₱22.69B noong 2025 tungong ₱29.47B ngayong taon—hindi pa rin ito sapat upang tugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga estudyante at g**o: nananatiling kulang ang mga silid-aralan, hindi nadaragdagan ang mga kaguruan at kawani, at patuloy na pasan ng mga mag-aaral ang mabibigat na gastusin sa fieldwork at laboratory requirements. Hindi sapat ang numerong “tumaas” kung sa aktwal ay kapos pa rin ang suporta sa batayang serbisyo; ang edukasyon ay karapatan, hindi pribilehiyong dapat pagtipiran o gawing palamuti sa ulat ng pamahalaan.
Lantad na lantad na kung sino ang may pananagutan sa patuloy na kahirapang dinaranas ng mamamayan, ngunit pinipili ng administrasyon na magbulag-bulagan. Sa halip na tugunan ang mga hinaing ng taumbayan, mas pinipili nitong patahimikin at takutin ang mga progresibo. Gayunpaman, patuloy na umaalsa ang masa sapagkat batid nilang nasa kanilang kolektibong lakas ang tunay na kapangyarihan para sa pagbabago.
𝗣𝗮𝗻𝗴𝘂𝗹𝗼 𝗼 𝗣𝗮𝗻𝗴-𝗚𝗨𝗟𝗢?
Matagal pa ang 2028 para sa susunod na halalan, ngunit nitong Pebrero 19 ay inanunsyo ni Sara Duterte ang kanyang planong tumakbo bilang pangulo habang nananatiling nakabimbin ang seryosong usapin sa paglustay niya ng mahigit kumulang ₱125M mula sa kaniyang confidential funds sa loob lamang ng 11 na araw noong 2022. Ayon sa Commission on Audit (COA), umabot sa ₱73.287M ang tinamaan ng notices of suspension at disallowance dahil sa mga iregularidad, kabilang ang umano’y pineke o depektibong resibo, hindi matukoy na mga tumanggap ng bayad tulad nila Mary Grace Piattos, at dobleng talaan ng gastusin. Habang kapos ang pondo para sa serbisyong panlipunan, malinaw na insulto ito sa mamamayang nagpapasahod at nagtitiwala sa mga nasa kapangyarihan habang kawalan ng pananagutan ang isinusukli sa kanila.
Kung sisipatin ang kasaysayan ng Pilipinas, makikitang inuulit lamang nina Marcos Jr. at Sara Duterte ang mga pagkakamali at pang-aabusong ginawa ng kanilang mga ama. Sa halip na solusyunan ang mga suliranin ng bansa, lalo pa nila itong pinalalala at ipinapasa ang bigat sa mamamayan.
Sawang-sawa na ang mga Pilipino sa paulit-ulit na mukha at apelyidong naluluklok sa pamahalaan. Sawang-sawa na rin sila sa sistemang pinatatakbo ng mga lider na anti-mamamayan at pahirap sa bayan.
Makatarungan at nararapat lamang na bumalikwas.
Bilang mga iskolar at ekolohista ng bayan na siyang primaryang tungkulin ay lumubog sa karaingan ng sambayanan, nagkakaisa ang tindig ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Ekolohiyang Pantao. Hangga’t nananatili sa puwesto ang parehong mga pangalan at dinastiya sa pamahalaan, patuloy na lalaban ang taumbayan laban sa sistemang matagal na nilang tinututulan. Makatarungan ang pag-aaklas ng mamamayan sapagkat ito ang paraan upang igiit ang tunay na pagbabago.
Darating ang panahon na ang mamamayan mismo ang magluluwal at magluloklok ng mga pinunong nagmumula sa kanilang hanay—mga manggagawa, magsasaka, katutubo, kababaihan, kabataan, at tunay na pinunong makabayan.
Dahil dito, sama-sama tayong tutungo sa kahabaan ng EDSA at sabay-sabay na irehistro ang ating panawagan: panagutin ang lahat ng sangkot sa korapsyon, mula sa tuktok pababa.
LAHAT NG SANGKOT, DAPAT MANAGOT!
MARCOS, SINGILIN! DUTERTE, PANAGUTIN!
ANG TAO! ANG BAYAN! NGAYON AY LUMALABAN!