12/12/2025
Pagdiriwang ng 2025 Provincial Children’s Month ng Lalawigan ng Quezon!
Sa temang “OSAEC–CSAEM Wakasan: Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban!”, matagumpay na idinaos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang 2025 Provincial Children’s Month Celebration na pinangunahan ni Hon. Gov. Angelina “Doktora Helen” D.L. Tan.
Binigyang-diin ni Doktora Helen ang patuloy na pangangalaga, pagtataguyod, at pagtatanggol sa karapatan ng bawat batang Quezonian sa kanyang 2025 Provincial State of the Children Report, kung saan inilahad niya ang mga programa, tagumpay, at patuloy na hakbang ng lalawigan para sa kapakanan ng kabataan.
Bilang dagdag na pagkilala sa pagsisikap ng lalawigan, natanggap ng Lalawigan ng Quezon ang Plake ng Pagkilala mula sa Council for the Welfare of Children (CWC), na iginawad sa pamamagitan ni Executive Director V Undersecretary Angelo M. Tapales. Ito’y simbolo ng natatanging Provincial Government na kinilala dahil sa napakahusay na aktibong pakikilahok at masigasig na pagtugon ng Quezon para sa kapakanan ng mga kabataan, patunay ng pangunguna ng lalawigan sa adbokasiyang pangbata.
Dumalo sa programa ang mga kasapi ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan. Isa rin sa mga pangunahing bahagi ng selebrasyon ang pagbibigay o paggawad ng Seal of Child-Friendly Local Governance sa piling mga LGU ng Lalawigan ng Quezon bilang pagkilala sa kanilang masigasig na pagpapatupad ng mga programang pangbata.
Nakiisa sa pagdiriwang ang PHO–Provincial Nutrition Action Office (PNAO) na kinatawan nina Ms. Joan Maricel Zeta-Decena, RND, Provincial Nutrition Action Officer, at Ms. Suzette Anne M. Villafañe, RND, District Nutrition Provincial Coordinator. Ipinakita ng kanilang presensya ang buong suporta at pakikiisa ng PNAO sa mga programang naglalayong palakasin ang nutrisyon, proteksyon, at kabuuang kapakanan ng mga bata sa lalawigan. Tampok din sa selebrasyon ang masigla at malikhaing mga Children’s Contest gaya ng Draw and Tell, Singing/Palit-Awit, Folk Dance, at Modern Dance, na nagbigay saya at pagkakataon para maipamalas ng mga bata ang kanilang talento at pagiging malikhain.
Isang makabuluhan, makulay, at masayang pagdiriwang na muling nagpapatunay na sa Lalawigan ng Quezon, ang kaligtasan, karapatan, at kinabukasan ng bata ay tunay na ipinaglalaban!
-PNAO