28/11/2025
Sa paanyaya ng Municipal Nutrition Action Office ng Pagbilao, Quezon, nagsilbing tagapagsalita ang PHO–Provincial Nutrition Action Office at Provincial Department of Health Office sa isinagawang Barangay Nutrition Action Plan (BNAP) Formulation Workshop noong Nobyembre 27–28, 2025, na ginanap sa Old Senior Citizen Hall, Pagbilao, Quezon.
Dinaluhan ang aktibidad ng 80 miyembro ng Barangay Nutrition Committee mula sa 13 barangay ng bayan. Kabilang sa mga lumahok ang Barangay Captain, Kagawad on Health, Barangay Secretary, Treasurer, Midwives, Barangay Nutrition Scholars (BNS), at Barangay Health Workers (BHW).
Layunin ng workshop na makabuo ang bawat barangay ng komprehensibong tatlong-taong Barangay Nutrition Action Plan (2026–2028) na nakabatay sa kanilang lokal na isyung pang-nutrisyon. Binigyang-linaw din ang apat na phases ng Nutrition Program Management Process upang gabayan ang mga kalahok sa tamang pagbuo ng BNAP. Ipinaliwanag na ang implementation plan ay dapat nakaangkla sa 4 Pillars:
• Healthier Diets
• Better Practices
• Improved Access to Quality Services
• Enabling Environment
Tinalakay din ang Nutritional Analysis, Problem Tree, at mahahalagang bahagi ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023–2028, na magsisilbing batayan sa pagbuo ng BNAP para sa 2026–2028.
Isang mahalagang hakbang ang workshop na ito upang matiyak na ang mga proyektong pang-nutrisyon ng bawat barangay ay may kaukulang budget, nakaangkla sa Barangay Development Plan, at kasama sa Annual Implementation Plan—na nagreresulta sa mas malinaw, komprehensibo, at epektibong plano para sa mas malusog na komunidad.