09/04/2026
QUEZON CITY — Naitala ang kauna-unahang measles-related death sa Quezon City ngayong taon, matapos pumanaw ang isang 4 na buwang gulang na babaeng sanggol mula sa Barangay Loyola Heights noong March 25, 2026.
Batay sa case investigation ng QC Epidemiology and Surveillance Division, nagsimula ang karamdaman ng sanggol noong March 21 at nagpakita ng mga sintomas tulad ng lagnat, ubo, pamumula ng mata, at pantal—mga karaniwang sintomas ng tigdas. Sa kabila ng agarang gamutan, mabilis na lumala ang kondisyon ng bata at kinailangang dalhin sa emergency care bago ito tuluyang pumanaw.
Ayon sa medical report, disseminated intravascular coagulation ang agarang sanhi ng kamatayan ng sanggol, na sinundan ng matinding sepsis, habang pinaniniwalaang tigdas na may komplikasyong pneumonia ang pinagmulan ng sakit.
Bilang tugon, agad na nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng field epidemiologic investigation, outbreak response immunization (ORI), at active case finding (ACF) upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit sa komunidad.
Pinalalakas din ang pagbabakuna sa mga batang may edad 6 hanggang 59 buwan, anuman ang kanilang vaccination history, kasabay ng mas pinaigting na surveillance sa mga kaso ng lagnat at pantal sa lungsod.
Nanawagan ang Quezon City Health Department sa mga magulang na tiyaking mababakunahan ang mga anak laban sa tigdas at agad na magpatingin sa health center kung may sintomas tulad ng lagnat, ubo, pamumula ng mata, at pantal.
Pinayuhan din ang publiko na iwasang dalhin ang mga sanggol sa matataong lugar at ilayo ang mga ito sa mga may sakit upang maiwasan ang malubhang komplikasyon.
Sa pagtaas ng banta ng tigdas, muling iginiit ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng bakuna, maagang pagpapasuri, at kooperasyon ng komunidad upang maprotektahan ang kalusugan ng bawat QCitizen at maiwasan ang karagdagang kaso ng sakit.
Alamin ang iba pang impormasyon tungkol sa tigdas sa link na ito: https://www.facebook.com/share/p/19jBwwJJyw/
Para sa iba pang impormasyon, I-like, i-follow, at magmessage sa aming page.
8703-2759
09622747107
8988-4242 loc 1609