26/06/2025
Ginugunita ang International Day of the Seafarer tuwing June 25. Para daw mabigyang pansin ang napakahalagang tungkulin ng mga tripulante na nagpapa-andar ng mga barko at naghahatid ng 90 porsyento ng kalakal sa buong mundo. Pagkain, makinarya, krudo, raw materials, kahit ukay-ukay at halos lahat ng iba-ibang kagamitan sa buong mundo ay nakararating dahil biniyahe sa dagat. Tunay na ito nga ang pandaigdigang ekonomiya, at batayan ng yaman sa buong mundo.
Pero walang umaandar na barko na walang tripulante. Walang nagtatanggal ng lubid sa angkorahe, walang nag-iistart ng makina, kung walang seaman sa barko. Lulong sa trabaho ang lahat ng seaman - mula kadeta, AB, oiler, mga engineer, deck officer, lahat yan sagad sa trabaho. Pagdating sa laot, anumang trouble ay gagawan ng paraan. Dahil kailangan makarating sa destinasyon ang barko: hindi pwedeng umayaw. Kahit sa ganun pa lang na sitwasyon, masasabi nang tunay silang bayani.
Hindi lang yun ang nararanasan ng mga seaman. Sagad na nga sa trabaho, sagad din sa exposure at stress. Extreme nga, dahil kapag bumagyo, talagang tumba-tumba at ihahampas ka sa kubyerta. Parang hindi na matatapos ang delubyo. Kapag patag naman, extreme din ang pagkatulala sa tanaw sa puro dagat hindi na masukat kung ilang linggo na ang lumipas. Lahat yan ay nagdudulot ng physical strain hanggang ugat, kalamnan, buto, kasu-kasuan. Mental and emotional strain: isip, kaba, takot, inip, tiis, tulala, siphayo.
Kaya iba ang realidad sa karaniwang kaisipan. Akala nyo lang namamasyal lang sila sa dagat. Akala nyo lang panay inom, bisyo, babae, waldas. Pero kabaligtaran yun ng tunay na nangyayari- kahirapan, buwis-buhay, aksidente, pagkakasakit.
Batay sa isang pag-aaral, aabot sa 10% ng mga seaman ang hindi na nakakabalik sa trabaho dahil sa aksidente, pagkakasakit, o kamatayan.
1. Musculoskeletal issues (like back pain and injuries),
2. Gastrointestinal problems (such as gastritis and ulcers),
3. Cardiovascular diseases (including hypertension and heart conditions),
4. Genitourinary conditions (like kidney stones and infections),
5. Injury/Trauma,
6. Infectious diseases,
7. Dermatological issues,
8. Respiratory problems,
9. Psychiatric or psychological disorders, and
10. Dental problems
Mahirap na nga ang indibidwal na working conditions ng Pilipino seaman, hindi pa pumapabor sa kanila ang mga batas ng gubyerno ng Pilipinas at mga patakaran ng ahensya ng Gubyerno na sumasakop sa kanila. Ang Kongreso, kung maglabas ng batas, ay palaging pabor sa mga shipowner at may-ari ng manning agency. Ang MARINA, bilang flag state administration ng Maritime Labor Convention (MLC), ay incompetent para ipatupad ang pang-manggagawang probisyon ng MLC. Hanggang ngayon, iniipit pa rin ng POEA (ngayon tinaguriang DMW o Department for Migrant Workers) ang wage increase ng seaman para hindi pumantay sa ILO standard, dahil sa dikta ng manning industry. Ang disability claims ng seaman ay iniipit pa rin ng P&I club, dahil protektado sila ng gubyerno ng Pilipinas, mula sa mga Labor Arbiter ng NLRC at NCMB, hanggang sa Supreme Court.
Hanggang pag-uwi, walang pabuya ang mga Pilipinong seaman. Ang tanging inaalok lang na programa ng OWWA at TESDA ay mga reintegration programs na walang kaugnayan sa kanilang pagbabarko. Bilang seaman na santambak ang proficiency trainings at competencies, pag-uwi sa Pilipinas, hindi na ma-apply ang kanilang skills para sa pag-unlad ng kanilang mga komunidad. Silang mga kumpleto sa safety trainings, first aid, disaster management, safety, hanggang operation ng electrical, communication, power generation, water management, at iba pang systems sa barko na maaaring ibaba sa komunidad para sa pag-unlad nito.
Pero wala. Sa dinami-dami ng mga mambabatas, pulitiko, departamento, sangay at ahensya ng gubyerno, walang gumagawa ng anumang programa o proyekto para mapakilos ang 450,000 seaman para sa bansa. Sapat nang pagkakitaan ang seaman mula sa kayang kolehiyo hanggang makauwing baldado o may edad na, expired na ang lahat ng STCW certificates, at bibigyan na lang ng training sa soap-making at dishwashing liquid.
Winaldas ang buhay ng isang malaking sektor ng uring manggagawa.
Yan ang gunitain natin sa International Day of the Seafarer. Ang realidad ng buhay ng seaman.