15/11/2025
MALAKING ANTI-DRUG OPERATIONS: PNP NAKAKUMPISKA NG CO***NE, SHABU, AT MA*****NA NA HALAGANG PHP 151 MILYON
Patuloy na nagtamo ng malaking tagumpay ang Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief PNP Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., sa paglaban sa iligal na droga sa pamamagitan ng serye ng operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na nagresulta sa kumpiskasyon at pagbawi ng malaking halaga ng iligal na droga.
Noong Nobyembre 14, 2025, bandang 10:00 AM, isang mangingisda ang nakakita ng shredded laminated sack na naglalaman ng dalawampu’t apat na plastic packs ng pinaghihinalaang co***ne sa dagat sa more or less 6.5 nautical miles sa pagitan ng Rizal at Quezon, Palawan.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Quezon at Rizal Municipal Police Stations, Maritime Group, Provincial Drug Enforcement Unit, Police Intelligence Unit, Palawan Provincial Forensic Unit, PDEA, at lokal na barangay officials upang maayos na madokumento at matiyak ang ligtas na turnover ng 26.47-kilogram na droga na may tinatayang halaga na higit sa PhP 140 milyon.
Sa parehong araw, isinagawa ng Dumaguete City Police ang isang buy-bust operation sa Barangay Junob, kung saan naaresto ang isang high value individual at nakumpiska ang tinatayang 400 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang PhP 2.72 milyon.
Samantala, sa Busuanga, Palawan, isang bag na naglalaman ng halos dalawang kilo ng pinaghihinalaang ma*****na kush na may halagang PhP 2.36 milyon ay kusang isinuko ng mga residente at barangay officials. Agad itong naitala at ipinadala sa forensic unit para sa laboratory examination.
Sa San Vicente, Palawan, isang sealed package na naglalaman ng 1.2 kilo ng pinaghihinalaang co***ne na may halagang PhP 6.36 milyon ay natagpuan sa dalampasigan at isinuko sa pulisya kasunod ng koordinasyon sa mga barangay officials at media witnesses para sa tamang forensic processing.
Ani Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., “Ang mga operasyon na ito ay patunay ng ating walang kapantay na dedikasyon sa proteksyon ng bawat Pilipino laban sa panganib ng iligal na droga. Ang ating mga tauhan ay laging handa, magkakaugnay, at alerto sa pagtugon sa banta sa komunidad.”
Dagdag pa ni PNP Spokesperson at Chief PIO, Police Brigadier General Randulf T. Tuaño, “Sa pamamagitan ng pagtutulungan at mabilis na aksyon, natitiyak ng PNP na nahahadlangan at natatanggal sa sirkulasyon ang mga iligal na droga. Makakatiyak ang publiko na kami ay tapat sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa buong bansa.”
Ang mga tagumpay na ito ay sumasalamin sa panawagan ng Pangulong Ferdinand R Marcos Jr para sa bansang malaya sa droga at pinagtitibay ang prinsipyo ng PNP: Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.’