04/11/2025
Redleaf Pharmacy
PUERTO PRINCESA CITY WATER DISTRICT, NAGPAALALA SA PUBLIKO NA MAG-IMBAK NG MALINIS NA TUBIG HABANG PAPALAPIT ANG BAGYONG โTINOโ
Naglabas ng paalala ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD) sa mga residente ng lungsod kaugnay ng posibleng epekto ng Bagyong โTinoโ (Kalmaegi) sa suplay ng tubig. Ayon sa ahensya, dapat mag-imbak ng sapat na malinis na tubig para sa inumin, pagluluto, at pang-araw-araw na gamit sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw bilang paghahanda sa inaasahang sama ng panahon.
Tiniyak ng PPCWD na nakahanda ang kanilang mga pasilidad at tauhan sa anumang sitwasyon. Mayroon umano silang pitong araw na stock ng fuel at chemical treatment para sa mga pangunahing water sources, habang nakaantabay din ang mga empleyado upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng water treatment facilities, pumping stations, at mga reservoir. Naka-alerto rin ang mga maintenance teams para sa agarang tugon sakaling magkaroon ng pinsala o pagkawala ng kuryente.
Ipinayo ng PPCWD sa mga konsyumer na panatilihing malinis at nakatakip ang mga lalagyan ng tubig upang maiwasan ang kontaminasyon, at iwasan muna ang mga gawaing may mataas na konsumo ng tubig habang may bagyo. Ipinaalala rin ng ahensya na maaaring magkaroon ng pansamantalang pagkaantala ng suplay kung magkakaroon ng pinsala sa mga linya, pagbabara sa mga water sources, o pagkawala ng kuryente sa mga pasilidad.
Nanawagan ang PPCWD sa publiko na manatiling alerto, maging responsable sa paggamit ng tubig, at subaybayan ang mga opisyal na anunsyo sa kanilang social media page para sa mga update. Para sa mga ulat at katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang hotline (048) 433-2408 o sa mga numerong 0917-310-5282 / 0961-586-7294.| via JB Juanich