13/01/2026
COLUMN: ABOT-KAMAY BURIAL ASSISTANCE PROGRAM
Para sa mga taga-Puerto Princesa na nangangailangan ng tulong sa pagaasikaso sa mga namatayan, nariyan ang Abot Kamay Burial Assistance Program na matatagpuan sa Peneyra Road, Bgy. San Pedro, Puerto Princesa City.
Ayon kay Carlito T. Lusoc, Program Manager, tumutulong ang Abot Kamay Burial Assistance Program sa 66 na mga barangay sa lungsod ng Puerto Princesa.
“Iyong na-avail lang sa amin libreng casket, libreng balsamo, tapos may mga groceries din kaming binibigay, at saka may bulaklak sa Pangalan ni Mayor,” sabi niya.
Ayon din sa kanya, hindi pare-pareho ang bilang ng siniserbiyuhan nila sa isang araw.
“Hindi pare-pareho. Basta pinakamahina minsan, isang patay lang. Pero kadalasan inaabot ng anim hanggang sampu. Pero hindi araw-araw iyon,” sabi ni Lusoc.
“'Pag sa ospital namatay, ang hinihingi naming ay hospital file para malaman natin ang cause of death kasi may case na hindi pwedeng balsamuhin tulad ng hepatitis, tetanus, anti-rabies, hindi iyan p'wedeng balsamuhin, tapos iyong may mga HIV, hindi pwede balsamuhin,” ayun din sa kanya.
Pero kahit ang target ng programa ay mga taga-Puerto Princesa lamang, may mga pagkakataon na tumutulong din sila sa iba.
“Basta taga-Puerto lang. Kasi kung sa labas na ng Puerto, kasi ang pondo natin ay [r]ito lang sa Puerto. Pero may pinagbibigyan din kami tulad ng mga inmate na namamatay sa Iwahig na inuuwi sa Luzon; sa mga munisipyo, basta nanghihingi sa amin pinagbibigyan din namin. Pero kadalasan talaga sa loob lang ng 66 barangays ng Puerto,” sabi ni Lusoc.
“Sa amin naman, kilala na kami sa loob ng 66 na barangay na sakop ng Puerto, halos 'pag may namatay sa tulad sa Sabang, Cabayugan, tumatawag kaagad sa amin. Pinupuntuhan namin, at doon na rin binabalsamo,” sabi rin ni Lusoc.
Ayon din sa kanya, walang pahinga ang mga nasa opisina ng Abot Kamay Burial Assistance Program sa pagbibigay ng serbisyo.
“Okay naman kami. Kami nga walang pahinga, pati Sabado, Linggo, holiday, pumapasok kami”.
Sa mga nais ng kanilang serbisyo, maaring bisitahin sila sa kanilang opisina na bukas mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Sulat ni Albert Villamor, LPT