21/09/2025
๐๐ข๐ญ๐๐ค๐ ๐ง๐ ๐๐ฎ๐ซ๐๐ฉ ๐๐๐ฉ๐๐ฒ๐๐ญ๐ข๐ง, ๐๐ฎ๐ญ๐ซ๐ข๐ฌ๐ฒ๐จ๐ง ๐ง๐ ๐๐๐ฒ๐๐ง ๐๐๐ฅ๐๐ค๐๐ฌ๐ข๐ง
Habang nilalamon ng korapsyon at katiwalian ang bilyon-bilyong pondo ng bayan, patuloy namang naisasakripisyo ang ibang sektor ng lipunan gaya ng kalusugan at nutrisyon, edukasyon, at agrikultura. Ang ganito kalaking pondo ay maaari na sanang nagamit at nailaan sa pagpapalawak ng mga pasilidad pangkalusugan, pagpapatibay ng mga programang pangnutrisyon sa mga paaralan, at pagpapaunlad ng lokal na produksyon para sa sapat na suplay ng pagkain. Higit pa rito, maaari na sana itong nagamit upang tugunan ang malalang problema ng gutom at malnutrisyon na hanggang ngayon ay nagpapahirap sa libo-libong Pilipino.
Ang isyu ng mga ghost flood control projects ay hindi lamang usapin ng konstruksyon at imprastraktura. Ito ay nagdudulot ng mabibigat na suliranin sa seguridad sa pagkain na siyang nagtutulak sa mga komunidad at pamilya tungo sa gutom at malnutrisyon. Dahil sa pansariling interes ng iilan, naaapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, tumataas ang presyo ng bilihin, at nagiging mas limitado ang akses sa ligtas at masustansyang pagkain. Ang pinsalang dulot din ng ganitong kapabayaan ay nagbubunga ng baha ng karamdaman na lalo pang nagpapalubog sa mga pamilya sa kahirapan.
Bilang isang organisasyon, mariing nakikiisa ang Philippine Association of Nutrition - Alpha Chapter sa malawakang pagkundena sa mga lumalantad na kaso ng korapsyon at sa kolektibong panawagan para sa pananagutan ng mga tiwaling opisyal sa ating pamahalaan. Hindi nararapat na habang may mga batang nagugutom at kulang sa sustansya, ay may iilang pamilyang nagpapakasasa sa bilyon-bilyong pondong inaaksaya.
Panahon na upang ang kaban ng bayan ay mapunta sa sambayanan.
Pagkakataon na upang ipakita ang kapangyarihan ng ating pinagsama-samang panawagan.
Oras na para papayatin ang tumatabang pitaka ng mga korap na pamilya.
At sana, nutrisyon naman ang pagtuunan ng pansin, pondo at polisiya.