13/10/2020
happy tuesday...
Lunas sa mataas ang uric acid at gout
Ni Doc Willie Ong
Ang sintomas ng gout ay ang matinding pamamaga at pananakit ng mga kasu-kasuan ng mga daliri ng paa, kamay at tuhod.
Para malaman kung gouty arthritis ang sakit, suriin ang uric acid sa isang blood test. Kapag mataas ito, gout ang dahilan ng iyong arthritis. Iba ang gamutan ng gout sa ordinaryong arthritis lamang.
Bawasan ito:
1. Sa mga gulay, bawasan ang pagkain ng asparagus, cauliflower, mushroom at spinach. Mataas ito sa uric acid.
2. Bawasan ang oatmeal at whole grain cereals.
3. Umiwas sa mga lamang loob (bituka, atay, utak, puso at kidneys), sisig, sardines, tunsoy, tamban, dilis, bagoong at tahong.
4. Ang gravy, patis, at lechon liver sauce at mataas din sa uric acid.
5. Umiwas sa pag-inom ng beer at alak kung ayaw mong atakihan ng sakit na gout.
Kainin ito:
1. Puwede ang kanin, mais, kamote, berdeng gulay at prutas.
2. May tulong ang strawberries at pineapple sa gout.
3. Puwede ang itlog at gatas.
4. Uminom ng 8-12 basong tubig araw-araw para mabawasan ang gout.
Gamot sa gout:
Kapag inatake na ng gout, hindi na sapat ang pagdi-dyeta sa pagkain lamang. Kailangan ng maintenance na gamot para bumaba ang iyong uric acid levels sa dugo.
Nag-rereseta ang doktor ng allopurinol o febuxostat tablet bawat araw depende sa taas ng iyong uric acid. Inumin ito araw araw para hindi umatake ang gout. Kailangan po ito.
Sa oras ng pagsumpong ng gout, nagbibigay kami ng colchicine tablets, 4 na beses sa maghapon. Kung matindi ang sakit, puwede din uminom ng para sa kirot.
Isang mahalagang tip lang po: bawal ang allopurinol tablets habang matindi ang atake ng gout. Inumin lang ang maintenance na allopurinol kapag humupay na ang sakit pagkalipas ng 2 araw. Good luck po.