25/09/2025
MGA MULTONG SAWI
⚠️This story is MY ORIGINAL FICTION story‼️
(Kathang isip)
Isang lalaki ang nanlulumong naglalakad sa gilid ng gubat. Sa pagtunghay ng mukha ay nakita niya ang isang lumang mansyon na mukhang abandonado. Marahan siyang naglakad patungo sa kalawanging gate. Naglagos siya ro’n. Nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa humantong sa malapad na hagdanan sa harapan ng mansyon, doon siya naupo at yumuko na tila walang kapag-a-pag-asa sa puso. Walang anu-ano’y narinig niya ang impit na iyak ng isang babae mula sa loob. Tumayo siya at lumapit sa pintuan. Mas lalo pa niyang narinig ang pag-iyak. Tumagos ulit siya sa pinto. Tinunton ang pinagmumulan niyon. Nabungaran niya sa loob ang isang babaeng nakasuot ng wedding gown. Nagulat nang makita siya. Inunahan na niya, sinabi niyang isa na lang siyang kaluluwa, isang multong sawi sa pag-ibig, dahil ang kanyang nobya ay natuklasan niyang may kinakatagpong ibang lalaki. Nahinto sa paghikbi ang babae, tila natakot, tumayo sa sofa at unti-unting umatras. Kinusot kusot ng babae ang mga mata. Nainis ang lalaki at sinabihan siyang hindi raw ba siya nakikinig? Lumapit pa ang lalaki at sinabing sa tingin niya ay isa na ring kaluluwa ang babae. Todo iling ang babae, hindi pa raw siya multo, papunta na raw siya sa kasal niya pero bigla na lang siyang nahimatay, at paggising niya ay nasa loob na siya ng mansyon na ‘yon. Hinamon siya ng lalaki na patunayang hindi siya multo. Hawakan daw niya ang flower vase. Nag-alinlangan, ngunit sumunod pa rin ang babae. Nanginginig ang mga kamay na paghawak niya ro’n ay lumusot lang ang mga daliri niya sa loob ng vase. Gumapang ang kakaibang kilabot sa kanya, sumigaw siya nang ubod lakas, dahilan para magliparan ang mga nakadapong ibon sa lumang mansyon.
Pilit inaalala ni Mabeth ang mga nangyari. Ang naalala pa lang niya ay nakasakay siya sa bridal car, nasiraan sila, tapos nahimatay siya…hindi, nasiraan sila tapos lumabas siya ng car at nahimatay siya…hindi pa rin, bumangga sila, bumangga sa isang malaking puno ng Balete! Namatay siya…lumabas sa kotse na isa na lang kaluluwa…tapos nahimatay siya,,,at wala na siyang maalala, ang tanging naiwan sa isip niya ay ang mukha ng kanyang pag-ibig, ang kanyang groom, may ngiti sa labi at may pananabik sa dibdib na naghihintay sa altar. Luminga siya sa paligid. Natagpuan ng mga mata niya ang isang malaking portrait sa sala, ang matandang babaeng ‘yon…tama naalala na niya, nang lumabas siya sa bridal car, nahimatay siya at ang huli niyang nakita ay ang mukha ng matandang babae…ang kanyang Lola Cassandra! Iniuwi nito ang kaluluwa niya sa mansyong iyon. Ang mansyon na naging tahanan niya nung maliit pa siya!
Napabuntong hininga ang binatang multo na si Marco habang naka de kuwatro sa sofa at matamang nakikinig sa kuwento ng dalaga. “Ang boring ba ng kuwento ko?” tanong ni Mabeth. Umiling si Marco, pero sinabi niyang lahat ng pag-ibig na hindi nagtagumpay sa dulo ay mas malala pa sa pinakaboring na bagay sa mundo.
Sa mga sandaling iyon ay isang kotse ang paparating. Sakay ng kotse sina Dave at Rachelle. Huminto sila sa tapat ng mansion. Kumunot ang noo ng dalaga, tinanong ang binata kung iyon daw ba ang sinasabi nitong sorpresa sa kanya? Natatawa namang tumango si Dave, pangit lang daw sa labas, pero sa loob ay nakakamangha ang ganda. Iyon daw ang lumang bahay ng lola ng fiancee niya, nagkataon na nasa kanya ang susi, ang mga magulang at halos lahat ng kamag-anak ng fiancee niya ay sa ibang bansa na naninirahan kaya siguradong wala ng maghahabol sa inabondanang mansyon na ‘yon. Kailangan lang niyang pekein ang mga dokumento na naibenta na ‘yon sa kanya ng fiancee niya. Humugot ng malalim na buntong hininga si Rachelle habang bumababa ng kotse, kunsabagay daw mahilig siya sa mga weird na bahay.
Sabay na napatingin sina Marco at Mabeth sa malaking pintuan ng mansion nang marinig nilang may nagbubukas nito. Sabay ding nanlaki ang mga mata nila nang bumungad sa kanila sina Dave at Rachelle. Si Dave ang fiance ni Mabeth at si Rachelle ang girlfriend ni Marco na nagtaksil sa kanya. Nanlalaki rin ang mga mata ng dalawa habang iniikot ang mansion. Ani Rachelle, ito talaga ang crazy dream niya, ang makatira sa magarang mansion, kailangan lang daw iparenovate para hindi magmukhang haunted house. Sinang-ayunan naman ni Dave ang nobya at sinabing kaya nga raw jinowa niya si Mabeth ay dahil alam niyang mayaman at tagapagmana gaya nitong mansyon. Sayang nga lang daw at nawala agad nang hindi pa sila naikakasal, ang balak sana niya ay unti-unting lasunin, kaso naunahan siya ng aksidente. Ikinawit ni Rachelle ang mga kamay niya sa leeg ni Dave, wala na raw itong dapat ipag-alala dahil nasa kanila na ang mansyon, sapat na raw ‘yon, at ang mga uto-uto nilang kapartner ay pareho na rin namang nasa kabilang buhay, naaksidente rin ang nobyo niya nang magmaneho ng lasing dahil natuklasan na nakikipagkita siya sa iba, kay Dave nga. Gumapang ang mataas na level ng galit sa puso nila Mabeth at Marco, pareho nilang sinugod ang dalawa, naglagos sila sa mga katawan ng mga ito, ngunit sa bugso ng galit nila ay naramdaman ng dalawa ang malakas na pwersa. Nagkatinginan ang mga ito. Ani Dave, hangin lang ‘yon, ‘wag nilang intindihin.
Ginamit nila Dave at Rachelle ang master’s bed room na kuwarto ng namayapang lola ni Mabeth. Hindi makapayag ang dalaga na doon pa magbebembangan ang dalawa. Kaya naman gumawa siya ng paraan para muling maiparamdam ang kanyang galit. Natuklasan kasi niya na kapag puno ng galit ang puso niya ay nagagawa niyang humawak ng kahit ano. Nang hinuhubaran na ni Dave si Rachelle ay bigla niyang hinila ang kumot at ipinulupot sa hubad na katawan ng babae. Tinulungan naman siya ni Marco, dinampot ang lampshade at ibinato sa lalaki. Hindi pa sila nakuntento, lahat ng bagay na mahawakan nila ay ibinato nila sa dalawa na natataranta na sa takot. Kahit nakahubad ay nagmamadaling lumabas ng silid si Dave, inunahan pa at iniwan si Rachelle. Nasubunutan kasi ni Mabeth si Rachelle kaya hindi agad nakatakbo. Naabutan naman ni Marco si Dave sa hagdanan, walang pag-aalinlangang itinulak niya ito. Kinaladkad din ni Mabeth si Rachelle patungong hagdan para isunod kay Dave. Iyon na ang ikinamatay ng dalawang taksil.
Nasaksihan nila ang pagbangon ng mga kaluluwa mula sa dalawang katawan. Nagulat ang mga ito pagtingala sa hagdanan nang makita kung sino ang mga multong nanalbahe sa kanila, ang kanilang mga pinagtaksilan, matalim pa rin ang tingin sa kanila. Ngunit wala silang pagsisisi, at susugurin pa nga nila ang dalawa sa galit, nang biglang may mga demonyong umahon mula sa konkretong sahig at hinawakan sila sa magkabilang braso, wala silang nagawa kundi ang sumigaw hanggang sa maglaho sila sa mansyon kasama ng mga demonyo. Natatawa ngunit hindi maitago ni Mabeth ang lungkot sa mga mata. Gayundin si Marco. Magkatabi silang naupo sa puno ng mga baitang. Sinabi ng binata na nakabawi na sila.
Nabigla pa sila sa biglaang pagbaba ng liwanag sa harapan nila, nagkatinginan sila, baka raw sa langit sila mapupunta, ani Mabeth, ngunit nang humakbang na sila papasok sa liwanag ay bigla itong nawala. Naisip ni Marco, hindi pa nila oras o hindi pa sila tinanggap ng liwanag, dahil nakagawa sila ng isang malaking pagkakamali, napagtanto rin ‘yon ni Mabeth, dahil naghiganti sila kaya siguro hindi pa sila pinayagang umakyat.
Dahil sa pangyayaring ‘yon, ang multo nina Marco at Mabeth ay pansamantalang nanatili sa mansyon. At habang nananatili sila ro’n ay unti-unti namang nabubuo ang isang matamis na pag-ibig sa pagitan nila. Parang ayaw na nga nilang umakyat sa langit e, mas gusto na nila sa lupa na kapiling ang multo ng isa’t-isa.
Wakas
To God be all the glory!⚘️