24/11/2025
HERO COPS IN ACTION: MAG-AARAL NAILIGTAS SA TRAFFIC ACCIDENT SA BACOLOD
Pinuri ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mabilis at maayos na pagtugon ng PNP personnel sa Bacolod City matapos masugatan ang dalawang kabataang babae sa isang aksidente sa Bangga Trinity, Burgos Street, Brgy. Villamonte.
Ayon sa ulat, ang mga biktima—parehong 21 anyos na babae at BS Psychology students ng isang unibersidad sa Bacolod—ay naglalakad sa pedestrian lane nang aksidenteng mabangga sila ng isang Ford Expedition na minamaneho ng 55 anyos na lalaki at residente ng Brgy. Guinhalaran, Silay City, Negros Occidental.
Agad na rumesponde si PMSg Romel Rizalde, duty investigator ng Police Station 4, upang magsagawa ng imbestigasyon sa lugar ng insidente. Parehong conscious ngunit nasugatan ang mga biktima at mabilis na naihatid sa ospital para sa agarang gamutan.
Si Patient 1 ay dinala sa kalapit na ospital gamit ang RMDU (Regional Medical and Dental Unit) NIR ambulance, habang si Patient 2 ay nailipat sa isang medical center sa tulong ng Amity Ambulance.
Ani Acting Chief PNP PLTGEN Nartatez, “Ang mabilis na aksyon ng ating kapulisan sa Bacolod City ay patunay ng ating paninindigan—bilis, tapat, at may malasakit. Sa bawat mabilis na kilos ng ating kapulisan, naiingatan ang buhay, napapawi ang pangamba ng pamilya, at nakikita ng komunidad na handa kami sa oras na pinakamahalaga. Bawat sandali ay kritikal, at ginagawa ng ating mga pulis na bawat segundo ay may halaga para sa buhay.”
Ang insidenteng ito ay nagpapatunay na ang PNP ay higit pa sa pagpapatupad ng batas—handa itong magligtas ng buhay at magbigay ng proteksyon sa bawat oras ng pangangailangan.
Tunay nga, ito ang Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.