06/11/2025
𝐎𝐏𝐈𝐒𝐘𝐀𝐋 𝐍𝐀 𝐏𝐀𝐇𝐀𝐘𝐀𝐆 𝐍𝐆 𝐉𝐎𝐒𝐄 𝐁. 𝐋𝐈𝐍𝐆𝐀𝐃 𝐌𝐄𝐌𝐎𝐑𝐈𝐀𝐋 𝐆𝐄𝐍𝐄𝐑𝐀𝐋 𝐇𝐎𝐒𝐏𝐈𝐓𝐀𝐋 𝐓𝐔𝐍𝐆𝐊𝐎𝐋 𝐒𝐀 𝐌𝐆𝐀 𝐁𝐀𝐓𝐈𝐊𝐎𝐒 𝐒𝐀 𝐒𝐄𝐑𝐁𝐈𝐒𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐌𝐄𝐃𝐈𝐊𝐀𝐋
Ang pamunuan ng Jose B. Lingad Memorial General Hospitalay patuloy na naglilingkod sa mga mamamayan ng Central Luzon. Sa kabila ng limitasyon sa pasilidad at kakulangan ng kawani, lahat ng pasyenteng idinudulog sa aming Emergency Room at Out Patient Department ay aming binibigyan ng atensyong medikal. Sa kasalukuyan, ang 137 na critical care beds sa aming ICU ay puno, ngunit patuloy pa rin naming tinatanggap at binibigyan ng karampatang paggagamot ang mga pasyenteng dinadala sa amin na nanggagaling hindi lamang sa Pampanga kundi mula sa iba’t ibang probinsya, at sa mga referral ng ibang mga ospital na pribado at pampubliko. Sa bawat araw, may mahigit kumulang sa 300 na pasyente sa Emergency Department at 1,200 pasyente sa OPD ang aming pinagsisilbihan. Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng authorized bed capacity ng ospital na halos nasa isang libong beds na, patuloy pa rin ang pagpapagawa ng mga karagdagang ward at pasilidad upang madagdagan pa ang mga beds at iba pang serbisyo para sa ating mga pasyente.
Upang lalong pag-ibayuhin ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pasyente, kami po ay patuloy na nag-eempleyo ng mga karagdagan pang mga health workers. Sa gitna ng lahat ng ito, ang mga healthcare workers ng JBLMGH ay patuloy na inilalaan ang kanilang talino at kakayahan upang mapaglingkuran ang taong bayan sa kabila ng puyat, pagod, at hindi makatarungang panglilibak lalong-lalo na sa social media.
Patuloy naming tinutugunan ang mga hinaing at reklamo ng mga mamamayan at sinusuri ang aming mga proseso upang mas maging maayos at madali ang mga transaksyon ng mga pasyente.
Hinihiling namin sa mga pasyente at mga mamamayan na maging mapanuri sa mga nababasang mga pahayag at sa ating mga mamamahayag na magbigay ng makatarungan at patas na mga pabatid. Huwag po sanang yurakan ang reputasyon ng institusyon at ng mga kawani na tapat na naglilingkod sa pamamagitan ng mga pangkahalatang pamamahayag ng walang sapat na batayan.
Ang lahat ng reklamo at hinaing ng mga pasyente ay patuloy na tinutugunan at makakaasa ang taong bayan na lahat ng karampatang aksyon at pagtatama ay ginagawa at patuloy na gagawin ng pamunuan upang patuloy na makapagbigay ng “Serbisyong may Lingap, Husay at Malasakit.”