22/10/2025
SIGLAKAS, PAGSUSULONG NG KALUSUGAN NG MGA BATA SA TAYABAS.
Isinagawa ang Siglakas o Sustaining Growth and Life for Kalusugan ng mga Kabataan, isang proyekto na naglalayong labanan ang malnutrisyon sa mga batang may edad 6 hanggang 59 buwan, noong Martes, Oktubre 21, 2025, sa Silungang Bayan ng Tayabas.
Nanguna sa programa ang Tayabas City Health Office sa pamumuno ni Dr. Hernando Marquez, kasama ang mga kawani ng City Nutrition Section.
Ang Siglakas ay isang inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Tayabas na layong protektahan ang kalusugan ng mga batang nasa kritikal na yugto ng paglaki upang matiyak na sila’y malayo sa panganib ng malnutrisyon at magkaroon ng mas malusog na katawan.
Nagbigay ng kanya-kanyang mensahe ng suporta sina Mayor Piwa Lim, Konsehal Rizza Llaneta at ang kinatawan ni Vice Mayor Rosauro Dalida na dumalo upang masaksihan ang mga aktibidad na nakapaloob sa proyekto.