29/01/2026
7 HEALTHY HABITS, BINIGYANG-DIIN SA DURUNUNGAN SA BARANGAY NAMATUCAN
"Ang mga Pitong Healthy Habits ng Department of Health ay nagpapasigla at nagpapahaba ng buhay: kumain ng masusustansyang pagkain; araw-araw na mag-ehersisyo kahit tatlumpung (30) minuto; panatilihing malinis ang kapaligiran; magpabakuna; iwasan ang paninigarilyo, alak at droga; maging responsable sa pakikipagtalik at protektahan ang sarili; pangalagaan ang isip; at huwag kalimutang magpahinga."
Ito ang mga mungkahing ibinahagi ni Kgg. Engr. John N. Celeste, Municipal Mayor, sa ginanap na Durunungan sa Barangay Namatucan noong ika-28 ng Enero, 2026. Layunin ng aktibidad na paigtingin ang programa ng Kagawaran ng Kalusugan hinggil sa 7 Healthy Habits sa pamamagitan ng pagdedeklara ng mga New Year’s Resolutions na angkop sa pagpapabuti ng kalusugan.
Nagpasalamat naman ang Punong Barangay, Kgg. Jessie Bolaton, sa Lokal na Pamahalaan ng Agno sa patuloy nitong kampanya tungo sa mas malusog na komunidad, partikular sa mga barangay. Aniya, lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang mga programa upang mapabuti ang kalusugan ng kanilang mga nasasakupan.
Hinimok din ni Kgg. Jonathan G. Doromal, Vice Mayor, ang publiko na patuloy na makibahagi sa mga aktibidad ng Agno Municipal Health Office upang higit pang mapalawak ang kanilang kaalaman sa kalusugan.
Binigyang-diin naman ni G. Marc Jethro R. Lim ang mga detalye kaugnay ng 7 Healthy Habits, kabilang ang pag-iwas sa apat na “M” — maalat, matataba, matatamis, at mamantikang pagkain. Bukod sa pagpapanatiling malinis ng kapaligiran, pinalawig din niya ang diskusyon hinggil sa pagpapabakuna at iba pang mahahalagang aspeto ng 7 Healthy Habits.
Pinasalamatan ni Kgg. Jefferlyn dela Co**ha ang mga dumalo sa aktibong pakikilahok sa mga talakayan. Bahagi rin ng programa ang KaLyngang Gamot para sa mga taga-Namatucan. Taos-pusong pasasalamat din ang ipinahayag ni Dr. Joseph B. Lopez sa lahat ng mga katuwang ng aktibidad, kabilang ang Dasol PNP Camp 105 na pinamumunuan ni Police Lt. Gerald Barrientos, para sa kanilang partisipasyon sa voluntary blood donation program.
Nakalikom ang Barangay Namatucan ng labimpitong (17) bag ng dugo sa isinagawang bloodletting activity katuwang ang Philippine Red Cross Alaminos Chapter. Isinagawa rin ang Random Blood Sugar Testing, pamamahagi ng oral health kits, at distribusyon ng Social and Behavior Change materials.